HABANG naka-adjourn ang Kamara de Representantes para sa weekend break, nagtungo sa Camotes Island si Cebu 5th Dist. Cong. Vincent Franco “Duke” Frasco para mamahagi ng scholarship para sa Team Frasco scholars sa mga mag-aaral para sa school year 2023-2004.
Ayon kay Frasco, ginanap ang distribution sa gym ng San Francisco.
Pinangunahan niya ang pamamahagi ng P8,812,000 scholarship grant sa mahigit 2,203 estudyante mula sa San Francisco, Poro, Tudela at Pilar sa Camotes Island.
Bukod sa pamamahagi ng scholarship grants, binigyan din ni Frasco ng iba’t-ibang sports at musical equipment para sa tatlong paaralan sa Camotes Island na naglalayong lalo pang pag-ibayuhin ang sports at music programs ng mga mag-aaral.
Namahagi rin ng limang laptops sa pamamagitan ng raffle sa limang mapalad na scholars.
Nauna rito, pinangunahan ni Frasco ang groundbreaking para isasagawang kalsada na nagkakahalaga ng P25 million para matulungan ang mga residente ng Liloan na maging maginhawa ang kanilang pagbibiyahe.
Kasabay nito, pinasinayahan din ni Frasco ang isa pang road concreting project ng Ka Paz Road sa Brgy. Catarman na nagkakahalaga ng P5 million para paikliin ang travel time ng mga residente ng Brgy. Catarman papunta sa kanilang negosyo, trabaho, paaralan at kabuhayan.