ISANG 36-taong gulang na babae na taga-Sitio Bayabas, Brgy. San isidro, Taytay, Rizal ang ideneklarang nawawala simula pa noong Martes, ayon sa report ng pulisya.
Ang umano’y nawawala ay kinilalang si Dina Ancheta.
Ang insidente ay inereport bandang alas-10:15 ng gabi ng Abril 30, 2024 sa Gen Ricarte St., Brgy. San Juan, Cainta, Rizal.
Napag-alaman ng pulis sa Cainta, mula sa kapatid ng biktima na bandang alas-11:25 ng gabi ng Abril 16, 2024, nang umalis si Dina sa kanilang bahay at minaneho ang pulang Toyota Vios (BAA2196) upang makipagkita umano sa lalaking nakilala niya sa Facebook.
Si Dina at ang lalaki ay sumakay umano sa kotse at tumungo sa di pa batid na lugar, ayon sa kapatid.
Bandang 12:27 ng tanghali ng April 17, 2024, ay nalaman ng kapatid na si Dina ay nasa Diwata Pares na matatagpuan sa Diokno Boulevard, Pasay City para kumain ngunit mahaba ang pila.
Sinabi ni Dina na sa halip maghintay ay uuwi na sila.
Ito ang huling pag-uusap ng magkapatid.
Simula noon, hindi na makontak ang biktima at hindi na rin ito nakita.