GUIMBA, Nueva Ecija – Arestado ang isang 29-anyos na biyudo dahil sa kasong statutory rape na isinampa sa lokal na korte sa bayang ito noong Miyerkules.
Sa ulat kay Nueva Ecija top cop Col. Richard V. Caballero, kinilala ni Lt. Col. Ranny G. Casilla, pinuno ng pulisya ng bayan, ang natimbog na suspek na residente ng Bgy. Cavite, ng bayang ito, at tinaguriang number four most wanted person (MWP) sa provincial level.
Ang suspek ay nasakote sa kanyang umano’y hideout dito alas-10 ng umaga.
Sa isinagawang manhunt operation, sinabi ni Casilla na nagpatupad ang kanyang mga tauhan ng warrant of arrest para sa statutory rape na walang piyansang inirekomenda para sa akusado na inisyu ni Judge Virgin Rose Sharon P. Guillermo-Encomienda, ng Guimba Regional Trial Court Branch 32 noong Abril 23, 2024.