ARESTADO ang pito katao noong Lunes ng National Bureau of Investigation (NBI) na sangkot umano sa pagbebenta ng posisyon sa gobyerno.
Naaresto ang mga suspek sa Pasig City. Anim sa kanila nakasuot ng jacket na may insignia ng Malacañang at Office of the President.
Isa sa mga suspek ay dati nang naaresto ng NBI dahil sa 20 criminal at derogatory records kabilang ang estafa, illegal recruitment, usurpation of authority, paggamit ng alias, at pagtatago ng tunay na pagkakakilanlan sa pamamagitan ng pangalan.
“Hindi lang dito sa Metro Manila. Meron din siyang mga kaso sa Cebu, Davao, Bulacan, Calamba, Laguna, and NCR. He had been doing this for more than 20 years already,” sabi ni NBI Ilocos Regional Office Director Ferdinand Lavin.
“You think of getting appointed, getting promoted, they are offering their services for a fee,” sabi ni Lavin.
Sinabi ni Lavin na sinasamantala ng grupo ang isang direktiba na nag-uutos sa mga presidential appointees na magsumite ng kanilang mga kredensyal.
Sinasabi umano ng mga naaresto na kapag appointee ng past administration maaaring matanggal dahil sa sitwasyon sa pulitika kaya sinamantala nila ang impormasyong ito.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, nagpakilala na assistant secretary ng Presidential Management Staff ang mga naaresto.
Nakuha ng mga awtoridad ang isang laptop at mobile gadget mula sa mga naarestong indibidwal.
Nanawagan si Santiago sa publiko na lumapit at magsampa ng mga reklamo laban sa mga suspek.