MARIING tututulan ni Sen. Sherwin Gatchalian ang posibilidad na mapawalang bisa ang suspensyon ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na iginawad ng Office of the Ombudsman, dahil aniya si Guo mismo ang nagsaayos sa lahat ng mga papeles, nagpapirma sa mga ito at nag-apply ng lahat ng permit, pati na rin sa pag-construct ng mga gusali, hanggang mabigyan ng Philippine offshore gaming operation (POGO) license.
Sinabi ng senador na pati ang pagsasaayos ng internet na kay Guo nakapangalan at ng mga pasilidad ay siya mismo ang nagsagawa.
Ang lahat ng impormasyong ito ay siniwalat sa ginanap na executive session ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality. Mismong ang intelligence department na pinamumunuan ng National Security Council ang nagdetalye ng mga ito.
Sa isang panayam sa Kapihan sa Senado, inilahad ni Gatchalian na mismong si Guo ang nagsaayos at nakipagugnayan sa lahat ng mga sangay ng gobyerno pati na rin sa iba’t ibang ahensiya, upang masigurong mabibigyan ang kumpanya ng lisensiya at permit to operate bago siya nahalal na mayor ng Bamban.
“Base sa nakuha nating information, si Mayor Guo mismo ang gumawa ng paraan para magkaroon ng koneksyon sa iba’t ibang ahensiya at very active ang naging participation niya sa pagsasaayos ng lahat ng mga kailangang papeles. She enabled this POGO company to have connections with different agencies,” ani Gatchalian.
Bilang patunay, sinabi ni Gatchalian na si Guo ang personal na naglakad para makapirma ang sanggunian pati na rin ang dating mayor ng kanilang lugar.
Siya rin ang tumutok sa pagpapagawa ng mga building habang itinatayo, kasama na ang mga permit nito na ini-award mismo sa kanya dahil siya ang nakalagay na may-ari ng Baofu Land Development Inc.
Si Guo rin ang sinasabing may-ari ng lupain kung saan itinayo ang POGO hub. Pati ang internet connection nito ay nakapangalan din kay Guo mismo.
“Siya ang presidente ng Baofu and all documents are pointing to her as the owner. Bukod pa sa personal siyang nag-facilitate ng pagpasok ng POGO hub sa Bamban dahil siya mismo ang president ng company na ito,” paglalahad ni Gatchalian.
Matatandaan na sa mga nagdaang pagdinig ay mariing itinanggi ni Guo na may kinalaman siya sa operasyon ng POGO sa kanyang lugar sa pagsabing, “Wala po akong alam sa ginagawa nila.”
Sinabi ni Gatchalian na naniniwala siyang hindi bibigay ang Ombudsman sa hiling na ito dahil makaiimpluwensiya ang presensya ni Guo sa pagiimbestiga at matatakot ang mga empleyadong nais magsalita ng katotohanan sa isyung ito.
“Kumpiyansa tayo na mahihirapan silang ipa-lift ang suspension ni Mayor Guo. Importante sa ngayon na malayang maisagawa ang mga imbestigasyon at kung ma-lift ang suspension ni mayora ay makakaapekto ito sa ginagawang imbestigasyon ng mga ahensiya. Matatakot ang mga empleyado na puwedeng magsalita dahil sa impluwensiya ng kanyang kapangyarihan bilang mayora,” giit ni Gatchalian.
Base sa inilahad ng intelligence department, si Guo mismo ang nakapronta sa pagtatayo ng mga nasabing kumpanya, kung saan mayroon siyang apat na kasosyo at isang Pilipinang tagaayos ng mga papeles bilang clerk ng kanyang kumpanya.
Dalawa sa mga nasabing kasosyo ay wanted umano sa Singapore at ang isa ay sinasabing wanted naman sa China.
“Dalawa sa kanyang mga kasosyo ay wanted sa Singapore at ang isa naman ay wanted sa China. I cannot see the point kung bakit hindi mo aalamin ang background ng kasosyo mo,” sinabi pa ni Gatchalian.
Base sa ulat, ang permit ni Guo ay para sa mga kumpanyang kanyang inaplayan tulad ng Hong Sheng Gaming Technology Inc. na itinayo sa lupa ng Baofu Land Development Inc. ni Guo, kung saan ay 50 porsyento ay pagaari din niya.
Matatandaan na ang Hong Sheng ay napaulat na ni-raid noong February 2023 at ito umano ay napagalamang nagsasagawa ng mga illegal cryptocurrency operations.
Ang kumpanyang Zun Yuan naman ay ni-raid matapos tumakas ang isang Vietnamese worker at nakitang napakaraming iligal na gawain ang kinasasangkutan ng kumpanya, tulad ng human trafficking, pag-torture, prostitusyon at serious illegal detention.
May iba pang mga iligal na gawain ito tulad ng scamming, money laundering at hacking ng iba’t ibang government websites diumano.
“Masyado ng lumalim ang ugat ng POGO sa ating bansa at nakakatakot na. Umabot na ang influence sa mga politiko, sa ating mga law enforcement authorities kasama ang PNP at Bureau of Immigration, pati na rin sa mga legit na mga businessmen at mga local crime syndicate na konektado rin sa mga illegal drugs. And this is very serious,” giit ni Gatchalian.
Nang tanungin kung bakit pinili ng mga POGO operator na mag-set up ng gaming hub sa Bamban, ani Gatchalian: “Dahil mismong si Mayor Guo ang nag-facilitate ng lahat and she opened the door to this POGO firm. Kaya’t parang malabo na wala siyang kinalaman at parang mahirap paniwalaan na hindi niya alam ang operasyon at pinaggagawa ng mga ito.”
Iginiit muli ni Gatchalian ang panawagan kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na i-ban ang POGO operations dahil sa mga iligal na gawaing dinala ng mga ito sa bansa.
“We really find this serious. POGO is really a national security threat. Nananawagan tayo sa Pangulo na sana’y ma-ban na ang POGO para hindi na lumawak ang kanilang mga galamay. HIndi namin gawa-gawa ito kundi mismo ang intelligence department natin ang nag-provide sa amin ng lahat ng mga detalye kung gaano kadelikado ang mga pinanggagawa ng mga kumpanyang ito na POGO ang front pero iba’t ibang kriminalidad ang nasa likod ng operasyon,” sabi ni Gatchalian.