NAG-anunsyo ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng temporary closure ng ilang kalye sa Maynila para sa pagdiriwang ng Independence Day sa Hunyo 12.
Isasara mula alas-6:00 hanggang alas-10:00 ng umaga ang magkabilang bahagi ng Roxas Boulevard mula T. M Kalaw hanggang P. Burgos St. at T. M. Kalaw mula Ma. Orosa hanggang westbound lane ng Roxas Boulevard.
Mula ala-1:00 ng hapon hanggang alas-10 ng gabi isasara pansamantala ang Roxas Blvd. mula UN Avenue hanggang P. Burgos Ave.; ang kabilaan ng T.M. Kalaw mula Roxas Blvd. hanggang Taft Avenue; kabilaan ng P. Burgos Avenue at Finance Road; at ang Bonifacio Drive mula Anda Circle hanggang P. Burgos Avenue.
Ilang kalye sa Rizal Park at Quirino grandstand gagamitin din sa okasyon, ayon sa MMDA.
Nag-abiso rin ang MMDA sa mga truckers, drivers at mga motorista na gumamit ng alternatibong ruta habang sarado ang mga kalye.
Sa mga PUV at pribadong sasakyan, dumaan sa Roxas Blvd, kanan sa Quirino Ave, o U.N. Avenue, kumaliwa sa Taft Ave. patungo sa destinasyon.
Ang mga pribadong behikulo naman na manggagaling sa R-10 patungong Anda Circle, kumaliwa sa Soriano Ave, kanan sa Solana St., kaliwa sa Muralla St. patungong Magallanes Drive, kanan sa P. Burgos Ave patungo sa destinasyon.
Sa mga trak naman na patungong hilaga at katimugang bahagi, gamitin ang SLEX Osmeña Highway, Quirino Ave., Nagtahan St., Lacson Ave., Yuseco St., Capulong St., R-10 Road patungo sa destinasyon.
Sinabi ni MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes na may kabuuang 1,156 na tauhan ang kanilang ide-deploy sa tamang mga lugar para matiyak na magiging maayos ang daloy ng trapiko.
Mayroon ding itinalagang mga ambulansya, trak ng military, dump trucks, tow trucks at iba pang mga kakailanganin sa lugar na gaganapan ng okasyon.