BAGAMAT walang nakitang kontrabando sa Liberian-flagged M/V Ohshu Maru, nagpalabas ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) ang Bureau of Customs (BOC) laban sa cargo ship na nagpagala-gala umano sa Bohol Sea mula pa noong nakaraang linggo sa halip na dumeretso sa Kinuura, Japan.
Isang team na binubuo ng BOC, Philippine Navy (PN), Philippine Coast Guard (PCG), at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nagsagawa ng inspeksyon sa barko noong Mayo 1 pero walang nakitang anumang iligal dito o indikasyon ng tangkang smuggling.
“The WSD is issued because the captain did not issue a Notice of Arrival when the vessel started drifting to the Bohol Sea, which as I understand from the field report, started last April 22. Under our rules, the ship’s master only has 24 hours after its arrival to file a notice or protest explaining the circumstances of the change in its course,” ani BOC Commissioner Bien Rubio.
Isang Notice of Preliminary Conference Hearing ang inilabas din laban sa barko laban din sa WSD.
Ang ship master ng barko na si Capt. Pepito M. Agmata ay nagsumite ng Letter of Apology na may petsang Mayo 1, 2024 upang ipaliwanag kung bakit nasa loob ng Philippine internal water ang barko.
Ayon sa sulat, ang barko ay pinayuhan na manatili muna sa Philippine Sea habang nasa biyahe patungong port of Kinuura dahil nagbago umano ang inaasahang panahon ng pagdating nito roon.
Sa ilalim ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) and other applicable laws, rules, and regulations.
Batay sa Vessel Tracking System record, sinabi ng BoC na pinatay ng M/V Ohshu Maru ang Automatic Identification System (AIS) transmission nito habang nasa Malaysia isang araw at walong oras bago pumasok sa katubigang sakop ng Pilipinas.
Ayon pa sa BOC hindi rin nagkaroon ng radio communication ang barko sa Coast Guard Station sa Siquijor.
Ang master at crew ng barko ay maaaring maharap sa paglabag sa Sections 214, 218, 300, at 1212 ng CMTA, Customs Memorandum Circular (CMC) No. 08-2019, at Customs Administrative Order (CAO) No. 15-2020.
Ang Section 1212 ng CMTA (Entrance of Vessel through Necessity) ang isang barko ay mayroon lamang 24 na oras upang ipaalam at ipaliwanag kung bakit ito nanatili sa katubigan ng bansa sa halip na dumeretso sa destinasyon nito.